Monday, November 1, 2010

Florante at Laura ni Francisco Baltazar

Ang Buod ng

Florante at Laura

Ni: Francisco Baltazar

Sa pinaikling Bersiyon nina Galdy E. Gimena

at leslie s. navarro


 

Kabuuang Buod

Nasa madawag na kagubatan si Florante at nakatali sa isang malaking puno. Nananaghoy siya at dumaraing dahil sa paghihirap na dinaranas. Ang buong akala niya ay pinagtaksilan siya ng kasintahang si Laura at ipinagpalit sa buhong na si Konde Adolfo. Nabihag siya ni Konde Adolfo at ipinatapon sa kagubatan upang doon mamatay. Samantala ay narinig ni Aladin, isang gererong Moro, ang panaghoy ni Florante. Nakita ni Aladin ang dalawang umaaligid na leon na pawang mga gutom na handa nang silain si Florante. Hindi nagdalawang isip si Aladin na iligtas ang binata. Matapos mapatay ni Aladin ang dalawang leon ay kinalagan niya ng tali ang annghihinang si Florante at dinala sa isang malapad na at makinis na bato. Doon niya ito inihiga at ginamot. Nagkamalay na si Florante at natuklasng ang kaaway na si Aladin ang kanyang nagging tagapagligtas. Sinabi ni Aladin na bagaman magkaaway sila dahil sa sekta ng relihiyong kinabibilangan ay hindi naman ito dahilan upang hindi niya iligtas si Florante. Pinagpala at pinakain ni Aladin si Florante hanggang sa tuluyan siyang gumaling at lumakas. Isinalaysay ni Florante kay Aladin ang kuwento ng kanyang buhay simula pagkabata hanggang mag-aral siya sa Atenas at makilala ang taksil na si Konde Adolfo. Matapos mabingit ang kanyang buhay sa kamay ni Adolfo, nawala at sukat ito sa Atenas. Makaraan ang ilang panahon ay nakatanggap siya ng sulat na nagsasabing namatay na ang kanyang ina. Labis na pighati ang naramdaman si Florante hanggang sa tuluyan na siyang ipasundo ng ama sapagkat ito ay may sakit na. Pinagbilinan siya ng gurong si Antenor na mag-ingat kay Adolfo. Pinayagan din nito ang pamangkin na si Menandro na samahan si Florante sa pagbabalik sa Albanya. Labis na natuwa si Florante sapagkat matalik niyang kaibigan si Menandro at ito rin ang nagligtas sa kanya sa kapahamakang idinulot ni Adolfo. Sa kanyang pagbabalik ng Albanya, dinala si Florante ng amang si Duke Briseo kay Haring Linseo. Nakatanggap ang hari ng sulat mula sa bayang Crotona na ito ay sinakop ng mga Moro. Inatasan ni Haring Linseo si Florante upang maging Heneral ng hukbong magpapalaya sa Crotona, ang bayang pinagmulan ng ina ni Florante na si Prinsesa Floresca. Ang kasalukuyang hari na nakaluklok sa Crotona na kailangang iligtas ni Florante ay ang kanya mismong nuno.

Bago pa tumulak patungong digmaan si Florante ay nakita na niya si Laura. Agad siyang umibig sa prinsesang anak ni Haring Linseo sa una pa lamang nilang pagkikita. Nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap ang dalawa hanggang sa sila ay nagkaroon ng sumpaan. Lumuluha si Laura nang umalis na si Florante patungong Crotona. Ilang beses na nagtagumpay ang hukbo ni Florante sa digmaan hanggang tuluyang mapalaya ang Crotona. Ilang buwan lamang silang nanatili sa Crotona at sa kanilang pagbabalik ng Albanya ay dinatnan nila itong nababalutan ng lagim. Ito naman ang sinalakay ng mga Moro sa pamumuno ni Aladin. Inabutan pa ni Florante sa aktong pupugutan ng ulo si Laura nang kanya itong mailigtas. Naitaboy ng hukbo ni Florante ang mga mananalakay na Moro. Napalaya ang nakabilanggong hari at ang kanyang amang si Duke Briseo. Kabilang din sa mga napalayang bilanggo si Adolfo. Labis na nagngitngit at nanibugho si Adolfo sapagkat ipinagbunyi ng buong Albanya ang kagitingan ni Florante. Naitakda ang kasal nina Florante at Laura. Lihim ng nakipag-ugnayan si Adolfo sa mga Moro upang muling manalakay. Nais lamang ni Adolfo na lansihin si Florante. Muling umalis ang hukbo ni Florante upang tugisin ang mga mananalakay na turko. Nakipagtunggali ang hukbo ni Florante sa mga bayan-bayan hanggang ganap na nila itong maitaboy. Nasa Etolya si Florante nang makatanggap ng liham na pinauuwi siya ni Haring Linseo na mag-isa. Iniwan niya kay Menandro ang hukbo. Dumating siya sa palasyo na mag-isa at noon siya hinuli. Laking gulat ni Florante nang bumungad sa kanya ang libu-libong kawal na pinamumununa ni Adolfo. Ibinilanggo siya ng walong araw hanggang sa tuluyang ipatapon sa kagubatan. Pinapugutan ni Adolfo ng ulo si Haring Linseo at pati ang kanyang amang si Duke Briseo. Batid ni Florante na magpapakasal na si Laura kay Adolfo kaya't labis-labis ang kanyang pighati. Nagtapos ang kuwento ni Florante nang tuluyan siyang iniligtas ni Aladin na noon ay gumagala din sa kagubatan.

Isinalaysay naman ni Aladin ang dahilan kung bakit siya nasa kagubatan. Ito ay dahil sa naging kabiguan niyang sakupin ang Albanya kaya siya hinatulan ng kamatayan ng amang si Sultan Ali-Adab ng Persiya. Napalaya lamang siya kapalit ng pagpapakasal dito ng kanyang kasintahang si Flerida. Sa kanilang paggala sa kagubatan ay may narinig na tinig sina Florante at Aladin. Naroon din sa kagubatang iyon sina Laura at Flerida. Isinalaysay ni Flerida kay Laura na tumakas siya kay Sultan Ali-Adab at pinaghahanap niya sa kagubatang iyon ang kasintahang si Aladin hanggang sa makita niyang pinagtatangkaang halayin ng isang buhong si Laura. Sa pamamagitan ng pagtudla ay napatay ni Flerida si Adolfo. Nagkita-kita ang apat at labis ang naging kaligayahan ni Florante lalo't napatunayan niyang hindi siya pinagtaksilan ni Laura. Ipinagtapat ni Laura na sinulatan niya si Florante noong nasa Etolya ito para bigyan ng babala subalit naunang dumating ang pekeng sulat na ipinadala ni Adolfo na may lagda ni Haring Linseo. Ang sulat naman ni Laura ay natanggap ni Menandro kung kaya't nagawang sumalakay ng hukbo ni Menandro upang iligtas ang kahariang Albanya. Noong nakubkob na ni Menandro ang Albanya ay tumakas si Adolfo sakay ng kabayo at dinala si Laura sa kagubatang iyon hanggang mula kung saan ay may dumating na isang tagapagligtas. Matapos mag-usap ng apat ay dumating si Menandro sa kagubatan upang sila ay iligtas. Ipinagbunyi sila ng kahariang Albanya. Ikinasal silang apat kasabay ang pagpapabinyag nina Aladin at Flerida. Namatay na si Sultan Ali-Adab kaya't nakabalik sina Aladin at Flerida sa kanilang bayan upang muli itong pamunuan. Itinanghal namang bagong mga hari at reyna ng Albanya sina Florante at Laura.

5 comments: